Ang buhay natin, panay sorpresa—minsan ng kasiyahan at tawa, minsan naman ng sakit at pagkalito. Habang sinusulat ko ito, napaka bigat sa aking puso at isip, hindi ko mahanap ang tamang salita. Paano ko ba sasabihin ang sakit ng makita ang paborito kong pinsan ay nagkakaganito.
Hinahangaan ko siya, noon pa man, ang aking pinsan ay napaka masayahin. Para saakin siya ang pinaka matalino sa magkakapatid nila, noon pa man, ang galing mag play station, ang galing magbasketball, halos lahat na yata ng laro, nalaro ko na kasama siya, sa kanya ko yata nakuha ang pagka sporty ko at kaalaman sa mga eskinita ng Paete. Mga food trips sa Paete. Alam niya lahat doon. Pag naluwas kami ng ate ko sa Paete para magbakasyon, lagi niya akong binabati ng mga ngiti. Mahal ko ang pinsan ko na yan. Tropapips kami. Magkakampi kami palagi.
Ang kanyang tawa ay kayang punuin ang anumang lugar at ang talas ng kanyang isip ay nagdadala ng liwanag sa bawat usapan. Ang dami niyang alam sa mundo para saaken. Sa pagaalaga ng aso, isda, sapatos, damit. Siya ang star ng pamilya —isang makinang na liwanag na lahat ay naaakit.
Napaka charming niyan, ang daming talent. Nagsakristan pa nga siya at tinuruan ako ng pagdarasal. At pasikot sikot ng simbahan sa paete.
Ngunit sa hindi inaasahang paraan, naging masyadong mabigat para sa kanya ang mundo. Unti-unti, tumahimik, siya ay nagsimulang umatras sa mga laban, ang dating palaban, nanahimik na lamang.
Ang kanyang tawa ay naging bihira, ang ningning ay nawala, at ang dating masigla, biglang humina.
Noong una, hindi ko maintindihan—akala ko ordinaryong pagsubok ng buhay ang kanyang pinagdadaanan.
Ngunit ngayon, nalaman ko na mas mabigat pala ang pasan niyang problema kaysa sa inakala ko.
Kamakailan ko lang nalaman na matagal na pala siyang nakipaglaban siya sa masamang bisyo, isang bagay na itinago niya sa karamihan. Parang bagyo ang tama nito sa ating katawan lalo na sa ating pag-iisip.
Paano nangyari na ang isang napakatalino at masayahin, madiskarte, madasalin ay napunta sa madilim na lugar na ito?
Pero naunawaan ko rin na ito ay hindi kahinaan o kabiguan—isa itong sakit, isang malupit na magnanakaw ng kasiyahan, lakas, at pag-asa sa buhay.
Ngayon, unti-unting humihina ang kanyang katawan. Sa mga kumplikasyon, ang pinsan na kilala ko—ang kayang magpasaya ng kahit sino sa kanyang katalinuhan at karisma—ay tila anino na lamang ng kanyang dating sarili. Ang sakit nito ay hindi ko maipaliwanag. Hindi ko matanggap bilang kamaganak. Paano na lang ang nararamdaman ng aking tita at tito, at iba pang pinsan?
Pero sa kabila ng lahat, hindi ko pinapayagan ang sarili kong mawalan ng pag-asa. Araw-araw akong nagdarasal para sa kanya, naniniwala na may liwanag pa rin para sa kanya, kahit gaano man kadilim ang mundo sa ngayon.
Ipinapanalangin ko ang kanyang kaginhawahan, ang kanyang paggaling, at ang kanyang kapayapaan sa mga natitirang oras na mayroon siya.
Sa sinumang makakabasa nito, hinihiling ko rin ang inyong mga panalangin. Ipanalangin natin hindi lamang ang aking pinsan, kundi ang lahat ng taong pakiramdam ay nawawala na sa bigat ng mundo. Ipanalangin natin ang kabutihan, pang-unawa, at lakas na abutin ang mga naliligaw.
Hindi natin alam kung anong mga laban ang pinagdaraanan ng bawat isa.
Pinsan, kung sakaling mabasa mo ito, tandaan mong mahal kita. Hindi ka kailanman magiging kabuuan ng iyong mga hirap o sakit. Para sa akin, ikaw pa rin ang masayahin at makinang na tao na hinahangaan ko noon pa man.
Patuloy akong mananalangin para sa iyo, habang iniingatan sa puso ko ang masasayang memories ng kabataan natin.
At kahit andito ako sa ibang bansa, puso’t isip ko ay patuloy kang iniisip. Laban pyco